TSUBIBO
-Ginoong Romantikong Umaasa
Aligaga hindi mawari ang tuwa nitong umpisa,
nakabakas sa mga mata,tunay na ligaya.
Akalain mo sa hinaba ng pila tayo'y umabot pa.
Sa wakas akin ka na nga tayo ngayon ay magsasama.
Kumapit ka nang mahigpit, huwag na huwag kang bibitaw.
Hayaan nating maokupa lahat nitong mga lagtaw.
Gayundin sa marahang pag-akyat atin ding matatanaw,
Tunay na ganda nitong daigdig ating mundong ibabaw.
Unti-unti tayong umaangat papunta sa itaas,
hindi na natin namalayan mga lumipas na oras.
Sa iyong ganda walang katulad itong ating planeta,
hinding-hindi na 'ko tatanaw at hahanap pa ng iba.
Tangi kong hiling sana ay hindi na tayo bumaba pa,
hangad ko lamang na makita 'ko ang iyong mga tawa.
Kasama ka na titingin nitong magagandang tanawin,
Wala nang oras, minuto, segundo pa na sasayangin.
Dito ka na lang sa aking tabi tayo ay mag-uusap.
Atin nang talakayin lahat ng ating mga pangarap.
Hindi mo na kailangan pa na magtago at magpanggap.
Minamahal kita nang buo ika'y aking tinatanggap.
Kay haba ng pila na aking pinilahan at hinintay,
napawi itong pagkapagod sa oras ng paglalakbay.
Hindi na magiging hadlang ang pagiging pagkamatamlay.
Walang mintis, walang paleng walang kumapos, walang sablay.
Ngayon naman tayo'y narito sa rurok nitong tsubibo,
hayaan mong magbanggit ako ng aking mga pangako.
Mamahalin kita mula sa umpisa hanggang sa dulo
mamahalin kita nang buo hangga't kaya ng puso ko.
'Tulad ng mga makinarya sa bawat mga karnabal,
hindi rin pala tayo ganoon talagang magtatagal.
Sa ating tuluyang pagbaba sa tsubibong sinasakyan,
ganoon katulin din pala akong iyong masasaktan.
Akala ko'y umaapaw na ligaya ang madarama,
Nabura ang mga tawa sa pagpatak ng mga luha
Katulad ng mabilis na pag-ikot ng ating tsubibo
Ganoon katulin din pala ang tuluyang paglisan mo.
Pipila kaya akong muli sa mahaba-habang linya?
Maghihintay kaya 'kong muli sa panandaliang saya?
Ayoko nang paikutin pa at biglaang mawawala.
Ayoko na, tama na nga 'to, hindi na siguro muna.